Pulag Chasma

Pulag Chasma
Isang larawan ng Pulag Chasma, isang malalim na bangin sa Rhea, buwan ng planetang Saturno.
Uri Chasma, Bangin
Heograpikong Koordinado 33°00′S 266°30′W / 33.00°S 266.50°W / -33.00; -266.50
Haba 190 km (120 mi)
Petsa ng Pagpapangalan 6 Agosto 2010
Pinanggalingan ng pangalan Bundok Pulag, Benguet[1]

Ang Pulag Chasma ay isang malalim at mahabang bangin na matatagpuan sa Rhea, ang ikalawang pinakamalaking buwan ng planetang Saturno. Ito ay may haba na higit-kumulang 190 km (120 mi).

Pagkakapangalan

Isang pinahusay na kulay na larawan ng Pulag Chasma.

Ang Pulag Chasma ay ipinangalan sa Bundok Pulag, isang bundok na itinuturing na banal ng mga katutubong Igorot at matatagpuan sa mga lalawigan ng Benguet at Ifugao sa Pilipinas. Ito rin ang pinakamataas na bundok sa pulo ng Luzon.[2]

Ang pangalang Pulag ay pinili ng Pandaigdigang Unyong Astronomiko (IAU sa Ingles) alinsunod sa kumbensyon sa pagbibigay ng pangalan na nagsasaad na ang lahat ng anyong heograpikal sa Rhea ay dapat bigyan ng mga pangalan mula sa mga diyos, diyosa, o mga sagradong lugar sa mga mitolohiya at alamat na hindi nagmula sa Europa.[3]

Opisyal na inaprobahan ng Pandaigdigang Unyong Astronomiko ang pangalang Pulag Chasma noong 6 Agosto 2010.[1]

Lokasyon

Isang mapa ng bisinidad ng Pulag Chasma.

Ang Pulag Chasma ay matatagpuan sa Timog Hemisperyo ng Rhea. Ito napapalibutan ng maraming ibang mga bangin tulad ng Yamsi Chasmata sa kanluran, at ng Vaupas Chasma sa silangan.

Dahil umiikot ang Rhea sa Saturno at may sabayang pag-ikot sa sariling aksis, ang isang hemispero ng buwan ay palaging nakaharap sa pangunahing planeta nito, samantalang ang kabaligtarang panig ay hindi kailanman humaharap dito. Matatagpuan ang Pulag Chasma sa nahuhuling hemispero ng Rhea, ang panig na nakaharap sa direksiyong kabaligtaran ng galaw nito habang umiikot sa paligid ng planeta.[a]

Pagkakatuklas

Isang larawan ng Rhea. Sa larawang ito, ang Pulag Chasma ay nasa dulo ng buwan na itinuturo ng pulang panturo. Ang larawang ito ay kinuha ng sasakyang pangkalawakan na Cassini noong Enero 2005.

Ang Pulag Chasma ay natuklasan sa pamamagitan ng mga larawang kuha ng dalawang sondang pangkalawakan, ang Voyager 1 at Voyager 2, na bumisita sa Saturno at Rhea noong 1980 at 1981. Ang Pulag Chasma ay nagmukhang isang matitingkad na kurba sa ibabaw ng Rhea na tinawag ng mga siyentipiko na isang "wispy terrain" ("banayad na anyong-lupa" sa Tagalog). Subalit noong panahong iyon, hindi sapat ang resolusyon ng mga larawan ng Pulag Chasma upang matukoy ang kalikasan nito, kaya't matagal na pinagdebatihan ng mga siyentipiko kung ito ba ay mga deposito lamang ng matitingkad na materyales o mga bangin na may lantad na ibabaw, gawa sa makislap na materyales tulad ng malinis na yelo.[4]

Misteryoso ang pinagmulan ng katangiang ng mga "wispy terrain" dahil, noong panahong iyon, ang tanging alam lamang ay mataas ang albedo ng materyal at sapat na manipis upang hindi matakpan ang mga katangian ng ibabaw sa ilalim nito. Isang hypothesis ay na, ilang sandali matapos mabuo si Rhea, naging aktibo ito sa heolohikal na paraan, at ang ilang proseso gaya ng cryovolcanism ay nagbagong-lupa sa malaking bahagi ng ibabaw nito, kung saan nabuo ang mga guhit mula sa mga pagsabog sa mga bitak ng ibabaw ni Dione na bumagsak pabalik bilang niyebe o abo. Sa kalaunan, matapos huminto ang panloob na aktibidad at resurfacing, nagpatuloy ang pagbagsak ng mga crater, lalo na sa nangungunag hemispero, na nagtanggal sa mga pattern ng guhit sa bahaging iyon.[5]

Nang dumating ang sasakyang pangkalawakan na Cassini sa sistemang Saturno noong Hulyo 2004, nakakuha ito ng mas malinaw na mga larawan ng Pulag Chasma kumpara sa mga naunang Voyager 1 at Voyager 2. Sa pamamagitan ng mas malinaw na mga larawan ng Cassini, bumuo ng konklusyon ang mga siyentipiko na ang Pulag Chasma ay isang tunay na bangin at hindi lamang mga maliwanag na deposito sa ibabaw ng Rhea.

Heolohiya

Isang larawan ng nahuhuling panig ng Rhea. Ang Pulag Chasma ay itinuturo ng pulang panturo. Ang larawang ito ay kinuha ng sasakyang pangkalawakan na Cassini noong Nobyembre 2009.

Ang Pulag Chasma ay isang bangin sa ma-yelong buwan ng Rhea. Ayon sa mga pagsisiyasat ng mga siyentipiko, ang mga buwan na gawa sa yelo tulad ng Rhea ay nagkakaroon ng mga bangin kapag nabibiyak ang kanilang nagyeyelong ibabaw.[6]

Dahil lumalawak ang tubig kapag nagyeyelo, ang tubig sa loob ng Rhea ay lumalawak din habang lumalamig at nagyeyelo, na nagtutulak sa matigas na ibabaw ng buwan pataas at nagdudulot ng mga bitak, katulad ng paraan ng pagbiyak ng mga bote na may lamang tubig kapag nagyeyelo sa loob ng refrigerador.

Ang mga kapatid na buwan ng Rhea, tulad ng Dione at Tethys, ay mayroon ding malalaki at mahahabang bitak, at pinaniniwalaang idinulot ang mga ito ng parehong proseso ng paglawak ng tumitigas na yelo. Maliwanag ang mga gilid ng mga bangin na ito dahil nahuhulog mula rito ang mas madilim na materyal, na naglalantad ng sariwang maliwanag na yelo ng tubig.[6][7]

Ang paligid ng Pulag Chasma ay kapansin-pansing mas maitim kumpara sa ibabaw ng kabaligtarang panig ng Rhea, na mas maputi at mas matingkad. Dahil maliwaang ang Pulag Chasma habang ang paligid nito ay medyo maitim, kitang kita ang kaliwanagang ng mga bangin sa lugar na ito.

Mga Tala

  1. Para sa mga buwang may sabayang pag-ikot sa sariling aksis, gaya ng Rhea, ang 0° longhitud ay tumutukoy sa bahagi ng ibabaw na palaging nakaharap sa pangunahing planeta nito. Ang mga rehiyong nasa pagitan ng 180° K, 270° K, at 360° (0°) K longhitud ay kabilang sa nahuhuling panig ng buwan.

Mga sanggunian

  1. 1.0 1.1 "Pulag Chasma". USGS. 2010. Nakuha noong 2026-02-16.
  2. "Mt. Pulag National Park". UNESCO. 2006. Nakuha noong 2026-02-16.
  3. "Categories (Themes) for Naming Features on Planets and Satellites". USGS. 2025. Nakuha noong 2026-02-16.
  4. "Saturn's moon Rhea in natural colour". ESA. 2005. Nakuha noong 2026-02-16.
  5. "Color Across Rhea". NASA/JPL. 2007. Nakuha noong 2026-02-16.
  6. 6.0 6.1 "Rhea". NASA. 2026. Nakuha noong 2026-02-16.
  7. "Rhea in Natural Color". NASA. 2005. Nakuha noong 2026-02-16.

Content Disclaimer

Informasi ini disarikan dari Wikipedia dan disajikan kembali untuk tujuan edukasi. Konten tersedia di bawah lisensi CC BY-SA 3.0. Kami tidak bertanggung jawab atas ketidakakuratan data yang bersumber dari kontribusi publik tersebut.

  1. The information displayed on this website is sourced in part or in whole from Wikipedia and has been adapted for the purpose of restating it. We strive to provide accurate and relevant information, however:
  2. There is no guarantee of absolute accuracy. Wikipedia is an open, collaborative project that can be edited by anyone, so information is subject to change.
  3. It is not intended to constitute professional advice. The content displayed is for informational and educational purposes only. For important decisions (e.g., medical, legal, or financial), please consult a professional.
  4. Content copyright. Wikipedia is licensed under the Creative Commons Attribution-ShareAlike License (CC BY-SA). This means that content may be reused with appropriate attribution and shared under a similar license.
  5. Responsible use. Any risk arising from the use of information from this website is entirely the responsibility of the user.